UNTI-UNTI nang bumabangon ang ekonomiya ng ating bansa. Ang patuloy na pagtaas ng halaga ng piso laban sa dolyar ay malaking tulong diyo. Batay sa National Statistical Coordination Board (NSCB), umaabt 7.5% ang  gross domestic product (GDP) ng Pilipinas sa unang anim na buwan ng 2007 kung ikukumpara noong 2006 na 5.5% lamang .

     Isa sa mga dahilan ng pag-usad ng ating ekonomiya ay ang pagdagsa ng malakas na programa upang makaakit ng maraming negosyante na mamuhunan sa ating bansa. Ang pag- reporma sa ating mga batas pamumuhunan, pagsasaayos ng sistema sa pagnenegosyo at pagpataw ng mababang buwis sa mga dayuhang mamumuhunan ang ilan sa mga hakbang na ginawa ng pamahalaan upang makaakit ng mga negosyante na maglagak ng negosyo sa Pilipinas.

     Ang pagpapalakas ng ating bansa sa industriya ng pagmimina ay isa sa mga pamamaraan kung kaya natatamo natin ang pagsulong ng ating ekonomiya. Batay sa datos mula sa Department of Environment and Natural Resources umaabot sa humigit-kumulang US$500M ang naipasok na bagong pamumuhunan ng industriya ng pagmimina sa bansa sa taong kasalukuyan. Ang industriya ay nagbukas din ng 3,250 na bagong trabaho sa unang tatlong buwan pa lamang ng taong 2007. Ang bilang na ito ay sumasakop lamang sa 24 na pangunahing kompanya na nagmimina sa bansa.

     Dito sa lalawigan ng Palawan, patuloy na lumalaki ang kontribusyon ng pagmimina sa pagkakaloob ng trabaho at maraming tulong panlipunan. Batay sa datos na nakalap ng Kabuhayan, Kaunlaran at Kalikasan, Inc. (KKK) umaabot sa mahigit-kumulang 1,700 Palawenyo ang regular na empleyado  ngayon ng mga minahan na miyembro KKK. Hindi pa kasama dito ang mga contractual at napakaraming manggagawa ng mga contractors. Maliban pa dito ang mga lokal na negosyante ay direktang nakikinabang sa pagkakaroon ng gawain ng pagmimina sa isang lugar. Ang buwanang bayarin sa suweldo ng mga manggagawa ay napakalaking halaga. Lahat ng ito ay pumapasok sa lokal na ekonomiya. Ito ay ilan lamang sa napakaraming benepisyo na naibibgay ng industriya ng pagmimina para sa kaunlaran ng isang lugar.

     Isa sa katotohanan na hindi maaaring mapapasubalian ay ang pagbabago na dala ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation at Coral Bay Nickel Corporation sa bayan ng Bataraza, at ang pag-asa na hatid ng Berong Nickel Corporation (BNC) sa Bgy. Berong, Quezon, Palawan. Sa pagsasalaysay ng mga taong nauna sa bayan ng Bataraza, salat na salat umano sa kaunlaran ang lugar.

     Walang kalsada na madadaanan kaya nagbabangka sila upang makarating sa bayan ng Brooke’s Point, walang ospital, laganap ang malaria at walang kabuhayan. Sa ngayon, ang bayan ng Bataraza ang isa sa pinakamapalad na bayan sa lalawigan. Ang presensya ng RTNMC ang nagbigay sa kanila ng bagong pag-asa na malampasan ang kahirapan. Lalo pa itong umunlad nang dumating ang CBNC at magkatuwang na ipinapatupad ang maraming programang panlipunan.

     Ang Bgy.Berong ay nasa liblib na bahagi ng munisipyo ng Quezon. Katulad ng kuwento ng bayan ng Bataraza laganap ang kahirapan sa lugar. Malayo sila sa mga serbisyong panlipunan na ibinibigay ng pamahalaan at ang kita ng bawat pamilya ay umaabot lamang sa dalawang libo bawat taon. Maraming kabataan ang hindi nakakapag-aral dahil ayon sa mga guro walang kakayahan ang mga magulang kahit pambaon na kanin at ulam lamang ng kanilang mga anak sa elementary.

     Dahil sa Berong Nickel Corporation, ang komunidad ng Bgy. Berong at mga karatig barangay ay sumigla. Kung dati ay halos walang pumupuntang sasakyang pampubliko sa kanila, sa ngayo, ang biyahe ng mga jeep ay halos tatlong beses sa isang araw dahil sa pagbabago sa ekonomiya sa lugar. Makikita ang pag-usbong ng maraming negosyo sa lugar. Lumaki rin ang bilang ng mga kabataang nag-aaral sa ngayon.  Ito ay ilan lamang sa maraming magandang pagbabago sa Bgy. Berong.

     Kung madalas nating marinig na “hindi nararamdaman ng mga Pilipino ang pag-usad ng kaunlaran”, sa mga lugar na kung saan maayos na nagagawa ang pagmimina at natutupad ang isinasaad ng batas, tunay na nararamdaman nila ang pagbabago sa kanilang buhay dahil sa pagpalakas ng pamahalaan sa industriya ng pagmimina.

     Bagama’t napakaraming pagbatikos tayong naririnig sa industriyang ito, hindi natin mapapasubalian na kung wala ang presensya ng mga kompanya ng mga minahan sa mga lugar na ito, ang kaunlaran at pagbabago sa antas ng pamumuhay ng mga komunidad ditto ay mananatiling pangarap lamang.

     Nawa’y tingnan natin ng ay bukas na kaisipan ang kabilang mukha ng pagmimina at huwag lamang tingnan ang umanoy negatibong aspeto nito. Kasabay nito, kung nais natin maiahon sa kahirapan sa ating bansa, mag-alok tayo ng alternatibong programa na matatapatan din ang benepisyo na hatid ng industriya ng pagmimina sa isang lugar. Ang katotohanan ay kumakatok sa pinto ng bawat pamilyang hikahos sa pamumuhay- walang makain, walang pasilidad upang agarang matugunan ang kanilang pangangailangan tulad ng ospital, kalsada, edukasyon at marami pa. May karapatan din mabuhay tulad mo, tulad natin ang mga kababayan natin na sa matagal na panahon ay tinatanaw lamang ang mga luntian at masaganang kalikasan. Maaari bang isakripisyo natin ang maliit na bahagi n gating kapaligiran para mabilis nating tugunan ang pangangailangan n gating mga mahal na kababayan?

About these ads