PAULIT-ULIT nating naririnig at nababasa ang iba’t-ibang negatibong balita hinggil sa industriya ng pagmimina partikular sa naging epekto nito sa kapaligiran noong mga nakalipas na taon.

Ang katotohanang ito ay hindi pinasusubalian at inaamin ng industriya ng pagmimina dahil sa mga nakalipas na mga trahedya o aksidente sa mga minahan na nagdulot ng masamang karanasan sa ating mga kababayan. Ang nangyari sa Marcopper Mines at La Fayette ang nagdala ng marami at mahahalagang aral sa industriya ng pagmimina. Isa sa mga aral na natutunan ng industriya ay hinggil sa kapaligiran. Nabuksan ang kaisipan ng industriya na hindi dapat balewalain ang kalikasan dahil dito nakasalalay ang lahat ng gawain ng tao at nagbibigay sa atin ng mga bagay upang mabuhay. Hindi maaaring kalabanin ang kalikasan. Ito ay katotohanan na batid nating lahat. Kung kaya sa panig ng industriya ng pagmimina kailangan itong seryosohin at hindi maaaring balewalain.

Marahil hindi pa batid ng lahat na sa ngayon, lubos na kinikilala at sadyang pinaglalaanan ng atensyon ng mga minahan partikular ang nasa large scale mining operations ang aspeto ng kapaligiran. Ang bagong batas sa pagmimina o ang Philippine Mining Act ay mahigpit na itinatagubilin sa mga minahan na magpatupad ng mga programa at maglaan ng pondo sa pagpapatupad nito.

Ilan sa mga matitingkad na probisyon na ito ay makikita sa Implementing Rules and Regulations ng Philippine Mining Act. Ito ay nag-uutos na dapat magsagawa ng tinatawag na progressive rehabilitation o tuloy-tuloy na pagsasayos o pagtatanim sa lugar na katatapos lamang minahin. Ang mga minahan na nasa large scale operation ay dapat magsumite ng satisfactory environmental management record upang malaman ang track record ng kompanya sa pangangalaga ng kapaligiran noong mga nakalipas na operasyon nito.

Mahigpit din na itinatagubilin ng batas na dapat sundin ng minahan ang obligasyon nito sa pangangalaga ng kapaligiran na nakasaad sa Environmental Work Plan at Environmental Protection and Enhancement Program o EPEP. Sa planong ito inilalatag ng kompanya ang detalye ng mga gawain sa pangangalaga ng kapaligiran kasama ang pondo para sa pagpapatupad nito sa bawa’t taon. Ang pondo ay magmumula sa 3 %- 5% ng mining and milling cost ng kompanya .

Maliban pa sa mga unang nabanggit ang large scale mining operation ay regular na mino-monitor ng Multipartite Monitoring Team (MMT) na binuo para tiyakin na nasusunod ng kompanya ang nakasaad sa annual EPEP nito.

Mayroon ding pondo na dapat ilaan ang minahan para sa tamang pamamahala ng kapaligiran nito na tinatawag na Contingent Liability and Rehabilitation Fund (CLRF). Ang CLRF ay ay kinapapalooban ng Mine Rahabilitation Fund at Mine Waste and Tailings Fees upang masiguro na may magagastos sa pagpapatupad ng mga programa may kaugnayan sa pangangalaga ng kapaligiran.

Ito ay ilan lamang hakbang na itinatakda ng batas para mapangalagaan ang ating kapaligiran sa kabila ng pagkakaroon ng mina sa isang lugar. Ang mga probisyon na ito ng batas ay seryosong tinutupad sa ngayon ng limang kompanya ng minahan na miyembro ng KKK.

Ang pagmimina ay lubos na umaasa sa kapaligiran kung saan dito nakatago ang biyaya ng Poong Maykapal. Ang mga taong namumuno ng mga minahan ay mga tao na tulad nating lahat ay nagmamahal sa bayan at may malasakit sa kalikasan at taumbayan. Papangalagaan ng mga minahan ang kalikasan dahil dito nakasalalay ang ikatatagumpay ng industriya. Hindi nila papayagan na mawala sa kaunting pagkakamali lamang ang salapi, pagod at lahat ng paghihirap para sa proyekto.