Bakit kaya may mga tao na ang nakikita ay kamalian ng kapwa? Bakit kaya may mga tao na ang ginagawa ay pansinin ang pangit at punahin ang mali?

Ang mga ganitong klaseng tao ay parang mga robot na naka-programa na ang gagawin at sasabihin. Sila yung mga tao na naka-programa na huwag makinig sa sinasabi o paliwanag ng ibang tao o kaya huwag tingnan ang mga magagandang nangyayari sa paligid.

Naalala ko tuloy ang sinabi ng kaibigan ko, na ang mga tao raw na walang ginawa sa buhay kung hindi silipin ang mali ng ibang tao ay mga “self righteous”. Sila yung mga tao na ang akala ay hindi kailanman nagkakamali at sila lang ang gumagawa ng laging tama sa buhay nila, sa kapwa nila o sa bansa. Sila yung mga tao na inaasahan mong magsasalita at mag-iingay sa maliit o malaking pagkakamali ng kapwa o ng gobyerno.

Ang mga ganitong tao ay nakakatulong sa pagbabantay sa ating bayan lalo na sa kurapsyon, at iba’t-ibang uri ng panloloko. Ang nakapagtataka at nakakainis lang, wala ka nang marinig sa mga ito kung hindi pamumuna at pagtataas sa kanilang tanggapan o sarili.

“Binabayaran kasi sila para pumuna at magbatikos,” sabi ng mga nakakausap ko. Oo nga naman, kailangan nilang gawin ang kanilang trabaho, at baka alisan sila ng pondo, goodbye! Trabaho lang pala ito. At least ngayon, alam na natin kung bakit ganyan sila.

Ang masasabi ko lang, masuwerte ang mga boss nila, kasi nagagawa nila ang trabaho nila. Pero sa totoo lang, nakakasawa na rin silang pakinggan kasi alam na rin ng taong bayan ang sasabihin nila sa tuwing magbubukas sila ng bibig, at para lang silang lata na walang laman kasi sa tinagal-tagal na nag-iingay sila, wala naman silang naitutulong para ibsan ang kahirapan ng mga mamamayan.

Nakatulong ba sila sa unemploymnent, ibsan ang kahirapan o isulong ang kaunlaran ng bayan? Kung tutuusin nakikinabang sila sa bawat isyu o usapin na umuusbong sa ating bayan kasi ang mga ito ang ginagamit nilang dahilan para sila mangalap ng pondo para sa panibagong adbokasiya. Ganyan lang siguro ang buhay, kanya-kayang diskarte para may trabaho.

Ngayon alam ko na kung bakit ganyan sila. Hindi ko na sasayangin ang oras ko para pakinggan ang sasabihin nila. Trabaho na lang tayo, at sigurado nakakatulong pa tayo sa bayan natin na walang nasasaktan na ibang tao.