Ni M. V. Asuncion

ILANG LINGGO din tayong hindi nakapagsulat dito sa kolum na ito. Kaya sa mga taga-subaybay, kung meron man, ang aking paumanhin.

 

— 0 —

Mining sa Northern Palawan? …… May nasagap akong mabahong balita na meron diumanong magtatayo ng minahan sa norte ng Palawan. Hindi ata magandang sinyales ito para sa mga mamamayan ng Palawan.

Una, naaalala ko ang mariing paglalahad ng Pangulong GMA na pinapahintulutan ang responsableng pagmimina sa katimugan ng Palawan, NGUNIT HINDI sa norte ng Palawan sapagkat ito ay ang eco-tourism zone ng lalawigan. Tinawag ng Pangulo na “agro-industrial” ang katimugan ng Palawan kaya, diumano dito lamang pahihintulutan ang responsableng pagmimina.

Sino ang malakas ang loob na babale sa sinabi ng hari, ika nga?

Ano kaya ang masasabi ng PCSDS sa usaping ito? Hindi ba sila ang tinitingala sa pangangalaga ng kalikasan ng Palawan? Hindi ba sila ang isa sa pinagdadaanan ng mga pangunahing dokumento na magbibigay o hindi na magmina sa lalawigan?

Hindi ba merong Northern Palawan Tourism masterplan. Ano ang saysay nang masterplan na yan kung sa gitna ng lokasyon nito ay may nagmimina na tila kalawang na unti-unting sisira sa likas na kagandahan nito?

Marami na ang nagpaubaya sa pagmimina sa timog ng Palawan. Ang buksan ang minahan sa norte ay ibang usapan na. Malaking destroso ito sa kalikasan, taliwas ito sa nilahad ni PGMA, at sisira ito sa potensyal ng turismo sa norte.

— 0 —

Malampaya proceeds . . . . . Nung nakaraang mga buwan, pinagkikibit balikat o nagmamaang-maangan ang ilang opisyales lokal tungkol sa usaping executive order na nabulatlat sa isang pang-nasyunal na pahayagan. Ngayon, lumabas na ang katotohanan at meron nga palang executive order na muntik-muntikan ng pirmahan. Nabulilyaso.

Yan ang mahirap kung bilyones na ang pinag-uusapan. Nagkakasilipan, nagkakatampuhan, nagkakainggitan, at ang nagkaka-amnesia pa ang mga magkakaibigan….

Tanong lang naman bakit kailangan ng mga mambabatas ng bilyones para sa distrito nila? Hindi ba sila ay tinaguriang “legislator” at hindi “executor”? Bakit kabilang sila sa hatian? E, ang sabi ng batas dapat sa mga local government units mapunta ang proceeds ng natural wealth.

Gumawa tayo ng katiting na arithmetic tungkol sa P6 billion pesos na DIUMANO ay handang ipagkaloob sa lalawigan. Kung paghahatian ng lahat ng munisipyo/lunsod at ng probinsiya (P6billion ÷ 25 units), magkakaroon ng tig-P240 million bawat isa sa equal sharing. Kung hahatiin naman sa lahat ng 800,000 na tao sa Palawan (wag na isali ang sanggol), magkakaroon ng (at least) tig-P7,500 bawat isa. Everybody happy sa pasko!

But, of course, this is just wishful thinking! Puede ba naman mawala sa eksena ang mga bituin sa Batasan…..