KAPAG PINAG-UUSAPAN ang industriya ng pagmimina, partikular dito sa lalawigan ng Palawan, mayroong dalawang matitingkad na usapin ang mainit na pinagtatalunan — ang usaping pang-kapaligiran at panlipunan.

    Sa aming pag-iikot at pakikisalamuha sa ating mga kababayan, paulit-ulit naming naririnig ang mga katanungan na paulit-ulit din naman namin na sinasagot. Katulad ng pangamba ng ilan sa ating mga kababayan na baka raw lumubog ang Palawan kapag may mina, baka mawala na ang ating kagubatan, magkaroon ng erosyon, siltasyon, at maaapektuhan umano ang mga sakahan. Sa usaping panlipunan naman, sinasabi ng ilan na magkakaroon ng labis na kahirapan sa isang lugar, magkakaroon ng “ghost town,” at hindi uunlad ang isang lugar.

    Ang mga katanungan na ito ay dulot ng takot na hatid ng mga nakalipas na karanasan sa pagmimina at ito ay kinikilala at nauunawaan ng industriya. Dahil sa mga nakaraang pangyayari, takot ang nasa puso ng ating mga kababayan na hanggang sa ngayon ay dala-dala nila. Ang bawat katanungan at pangamba ay naririnig ng malakas ng mga kompanya na nagmimina kung kaya ito sa ngayon ay pilit na tinutugunan at masusing ginagawa ng tama upang hindi na maulit ang mga pangyayari sa mga nakalipas na panahon. Ito ay hindi pangako, dahil sa ngayon kumikilos na ang mga minahan partikular ang mga large scale mining company na kasapi ng KKK upang ibigay kung ano ang nararapat sa komunidad at kung ano ang sinasabi ng batas.

    Sa pakikipag-uusap ng KKK sa mga komunidad na malapit sa mga minahan, mababanaag ang kasiyahan at pagiging kuntento sa serbisyo at benepisyo na kanilang natatamasa dahil sa pagpasok ng industriya ng pagmimina sa kanilang lugar. Napakaraming magagandang kuwento ang nakalap ng KKK mula sa kanila. Mga kuwento ng tunay na pagbabago sa kanilang buhay na muntik nang hindi natin mababasa kung nakinig lamang sila noon sa negatibong impormasyon at pang-uudyok ng ilang grupo.

    ”Kahit wala kaming pera dahil sa meeting para daw di matuloy ang proyekto. Nagwelga din kami noon sa barangay para tutulan ang proyekto, para kaming mga sira-ulo na pabalik-balik doon, wala din pala kaming mapapala. Ayoko ng magsama, nakakapagod. Walang naidudulot na mabuti. Putak lang sila ng putak. Ginagawa kaming puhunan para magkaroon sila ng pera..Natuloy din ang proyekto, mas naakatulong pa dahil maraming nagkatrabaho,” ito ang salaysay ng isang residente sa bayan Bataraza.

    Ang nangyayari sa loob ng mga host community ay taliwas sa sinasabi ng ilang grupo. Ang kuwento ay nagbago kapag sila na ang nagsulat. Mga katotohanan na nakatago sa magaling na paghabi ng mga salita kasabay ng emosyon na sa unang dinig ay tila tunay at walang pag-iimbot.

    Gayunpaman, walang maaaring magsabi kung sino ang tama at mali. Lahat ay may interes na dapat ipaglaban. Subalit, sa bandang huli, kung sino ang nakagawa ng tama at nakapaghatid ng kabutihan sa buhay ng bawat mamamayan ang siyang tunay na may malasakit at nagsasabi ng katotohanan.