By M. V. Asuncion

Game Shows ….. Nanonood ba kayo ng game show? Sangkatutak ang game shows sa ngayon. Ang 2 networks ay pabonggahan ng mga pa-premyo. Ang 2 variety shows sa tanghali sa national TV ay punung-puno din ng mga game portions. Kung may pagkakataon, nakakanood din ako ng ilan sa mga ito. Minsan, napag-isip-isip ko, bukod sa premyo at tawanan, ano pa bang mapupulot sa mga palabas na ito?

Sa aking pananaw, tila hinihikayat na ng mga palaro sa telebisyon ang negatibong mentalidad sa mga nanonood… ang paghubog ng kaisipang biglang yaman at ang kultura ng “panlilimos”. Sadyang hinahain ng mga producers ng palabas ang dambuhalang premyo, mga milyones na tunay namang hahangarin ng publiko. Dahil sa mas malaking bahagi ng publiko ay mahirap, tiyak na kakagatin ang mga gimik ng palabas.

Talaga namang dinadagsa ng publiko ang variety at game shows sa hangarin na ma-suwerteng makakuha ng perang pinamumudmod. Inuudyok pa ng mga hosts ng palabas na isalaysay ang hikahos na kondisyon, at paano makakatulong ang pera na puedeng mapanalunan. Minsan, napapahagulgol pa ang contestant sa pag-kwento ng masalimuot na buhay.

Sa panaginip lang naeenkwentro ng mahihirap at kahit na ng mga nasa middle class ang ganitong halaga ng dambuhalang premyo. Habang pinahahangad ang publiko, napapaniwala silang sa ganung paraan lang malulutas ang problema ng kahirapan. Inaakalang sa mga donasyon ng mayayaman ang solusyon sa pag-ahon sa kahirapan.

Negatibong hudyat ang hatid nito sa ating kabataan – kultura ng pagkakataon sa pagsusugal, pagiging pala-asa sa grasya at donasyon mula sa mayayaman, at ang biglang yaman-walang hirap syndrome. Nawawala tuloy ang kabutihan na pagpa-plano sa buhay, pagsisikap sa hanapbuhay, at ang pagsasanay upang palaguin ang kakayahang taglay.

Sa aking palagay, dapat na mabigyan ng babala ang publiko sa ganitong mga palabas. Kung ang mga alanganing palabas ay nilalagyan ng “parental guidance recommended”, dapat siguro makabilang din ang mga ganitong palabas sa kahintulad na ratings o babala.

— 0 —

Toy Guns …. Kamakailan ay ni-raid ang mga nagtitinda ng mga toy guns sa Kamaynilaan. Marami sa mga nagtitinda ang hindi alam na pinagbabawal ang toy gun ng Department of Trade & Industry. Bukod sa nagtatanim ito ng karahasan sa murang isipan ng mga bata, hindi rin ligtas ang marami partikular ang mga pellets ang bala, at ang mga ginagamitan ng ‘fuel’ para aktuwal na pumutok. Ayon sa mga otoridad, ginagamit din ang toy guns sa panghoholdap ng mga batang kriminal dahil mukhang tunay ang ilan sa mga ito.

Dito sa Puerto Princesa ay marami pang nagtitinda ng mga toy guns sa bangketa at malalaking tindahan. Ano kaya ang magagawa ng otoridad hinggil dito? Katok lang po sa DTI at sa PNP….

Social Markers
add to del.icio.us :: Add to Blinkslist :: add to furl :: Digg it :: add to ma.gnolia :: Stumble It! :: add to simpy :: seed the vine :: :: :: TailRank