By M.V. Asuncion

Public Display of Affection (PDA) ….  Ang public display of affection o PDA ay ang lantarang pagpapahayag ng damdamin ng isang tao sa harapan ng marami o ibang tao. 

Halimbawa nito ay ang holding hands at kissing sa publiko, mga pangkaraniwang  PDA.  Kailan ba masasabi na PDA lamang ang pagpapahayag ng damdamin, at kailan kaya masasabi na indecent exposure na ito? Kailan ito masasabing bad taste?

Bawat kultura ay may tinatawag na written at unwritten na patakaran tungkol sa usaping PDA.  Iba-iba rin ang opinyon ng bawat isa at maging ang publiko pagdating sa PDA.  Kung sa tingin ng iba ay okey lang, maaari din namang mahalay na para sa iba.  Sa ilang bansa, anumang uri ng PDA ay isang criminal act.  Depende na ito sa relihiyon, sa kultura ng bansa, at sa exposure. 

Sa Europa, USA at sa Canada, normal lang ang holding hands at kissing (lips to lips) sa publiko.  Sa tradisyunal na bansang Iran at  Saudi Arabia, kahit na anong klase o degree ng PDA ay ipinagbabawal.  Ngunit, sa iba namang Arab countries, depende sa bansa at ciudad, tanggap ang ilang uri at degree ng PDA.  Sa Indonesia, mayroong pinapanukala na batas na ipagbabawal ang  kissing sa publiko.  Ayon naman sa Supreme Court ng India, ang PDA ay isang public nuisance, bad taste at hindi katanggap-tanggap.  

Dito sa atin sa Pilipinas, nasapawan na ng beso-beso (cheek-to-cheek) ang tradisyunal na pagmamano at handshake. Kahit saan, katanggap-tanggap naman ang beso-beso.  Ang hindi katanggap-tanggap ay ang  beso-beso sa kalalakihan.  Taas-kilay ito sa publiko na nagbibigay ng ibang kahulu-gay… este, kahulugan.  Para sa kalalakihan, andiyan pa rin ang tradisyunal handshake at high-five para sa mga kabataan.   

Sa ganang akin at para sa iba kong kaibigan, wala namang masama sa holding hands. Nakakagiliw panoorin ang HHWW (holding hands while walking).  Tanggap din ang peck on the cheek o halik sa pisngi (wag lang ala-Judas!) sa magkakaibigan lalo na sa mga espesyal na okasyon tulad ng birthday at new year. 

May mga magsing-irog na walang pakialam sa mundo o di kaya ay open-minded pagdating sa PDA at yung sa masasabing high degree of intimacy na pinapakita sa publiko.  Tila exhibitionism na ang performance baga.  Ito ang bad taste –   hindi naiisip ang publiko na maaaring naaasiwa o nalalaswaan  na sa kanilang ginagawa. 

Tulad na lang ng naganap kamakailan sa isang bar sa Rizal Avenue.  Indecent exposure, public scandal, exhibitionism bang matatawag yun?  Marahil, sa kanilang bansa ay tolerated ang ganung mga gawain pero dito sa atin sa Pilipinas, kahalayan nang maituturing.   

Sa aking palagay, meron tayong mga Pinoy na unwritten code tungkol sa kung ano ang mahalay na PDA at ano ang tolerated ng kultura.  Dahil sa panoorin na rin sa telebisyon, mga exposures sa vcd/dvd, at iba pang uri ng media, mas experimental na ang mga kabataan sa PDA.  Nakababahala ba ito o kibit-balikat na lang dahil bahagi ng pagbabago? 

Kinakailangan na bang magkaroon ng nakasulat na patakaran tungkol sa PDA upang alam ng lahat pati mga banyaga kung ano ang  limitasyon?  Habang wala pa naman, sundin natin ang dictates ng tradisyon – good old tradition – good taste  at pagiging sensitibo sa damdamin ng nakararami.  (#)