By M.V. Asuncion

SI JESS DUREZA ANG MAGIGING PRESS SECRETARY …. Si Jesus Dureza, kasalukuyang Presidential Adviser on the Peace Process, ang papalit sa kay Press Secretary Ignacio Bunye simula sa Hunyo 16.

Hiniling ni Jess sa Pangulong Arroyo ang kaunti pang panahon upang matapos niya ang mga bagay na dapat tapusin. Pumayag naman ang Pangulo. Hanggang ngayon, si Jess ay nasa Libya sa anyaya ni Sail Al Islam, anak ni Col. Khadafi, na nakikipag-usap sa mga lider ng MNLF para tiyak na ibayong maipatutupad ang 1996 Peace Agreement sa MNLF.

Malugod naming tinanggap ni Jesus Dureza ang kanyang bagong tungkulin at nagpasalamat sa Pangulo sa karangalan at pribilehiyong maglingkod sa bansa bilang Tagapagsalita ng Pangulo.

Ang susunod na tanong ay: sino ang papalit kay Dureza na Presiden-tial Adviser on the Peace Process?

— 0 —

June 12 Independence Day celebration….. Ngayong wala nang isang buwan bago ipagdiwang ang ika-110 Araw ng Kasarinlan ng ating bansa, hiningi ng Pangulo sa mga kagawad ng Gabinete na ang karaniwang ginagawang pagwawagayway ng bandila at pag-aalay ng mga bulaklak ay tambalan ng programa ng gobyerno na ‘tunay na magbibigay-dangal sa pagpapakasakit ng ating mga bayani, hindi lamang sa pamamagitan ng mga talumpati, kundi sa mga gawaing magbibigay ng tunay na katuparan sa kanilang mga mithiin at pangarap.

Sa mga programa at proyekto ng gobyerno na itatampok bilang bahagi ng mga pagdiriwang sa Araw ng Kasarinlan ay kabilang ang mga proyektong tulong sa kabuhayan, pabahay, kalusugan, pagkain para sa mag-aaral, kasapatan sa pagkain, pamamahagi ng Conditional Cash Transfer Cards, edukasyon, pangangalaga sa kapaligiran, kasa-patan sa enerhiya at iba pang programa para sa mga dukha.

Si Bise Presidente Noli de Castro ang mangunguna sa pagdiriwang sa Kawit, Kabite kung saan itatampok ang programa sa pabahay, habang si Kalihim Arthur Yap ng Pagsasaka naman ang mangunguna sa caravan na daraan sa iba-ibang bayan mula sa Malolos, Bulakan hanggang sa San Isidro, Nuweba Esiha na nakatuon sa FIELDS (pataba, patubig, edukasyon at pagsasanay, pautang, patuyuan ng palay at iba pang pasilidad pagkaani at mga binhi).

Sa Pugad-Lawin naman ay mga programang laban sa karalitaan ang sentro ng pagdiriwang, kasama rin ang caravan para mamahagi ng Conditional Cash Transfer cards. Sa Tahanan ni Mabini sa Batangas, edukasyon ang sentro ng mga pagdiriwang. Sa Kalamba, Laguna ay magiging paksa ang kapaligiran na may caravan para sa paglilinis ng Laguna de Bay at pagtatanim ng mga punung-kahoy sa Mt. Makiling.

Sa Kabikulan, tampok naman ang turismo na may caravan upang ipakita ang matulain at magagandang pook ng bansa.
Sa Lungsod ng Bakolod, ang kasapatan sa enerhiya ang sentro ng pagdiriwang na may caravan din na magtatampok ng biofuel projects ng pamahalaan.

Ipamamahagi naman sa Lungsod ng Iloilo ang training vouchers, samantalang sa Lungsod ng Sebu pangunahin ang programang pang-kalusugan. Ang mga serbisyo para sa dukha ang gagawin sa Hilagang Samar at sa Dinagat Island, at serbisyong panlipunan naman para sa mga Lumads sa Lungsod ng Dabaw ang gagawin at pamamahagi ng community projects ng repormang agraryo ang gagawin sa ARMM kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan doon.

Magaling na konsepto ito sapagkat sa aking palagay, sawa na ang mga tao sa pakikinig ng mga talumpati kung Independence Day ng kung sinung pulitiko. Pati na rin ang mga speakers ay paulit-ulit na rin ang nilalaman ng kanilang mga talumpati. Ngayon naman ay pagkilos na ang programa – pagpapakita ng mga proyekto para sa bayan.