By M.V. Asuncion

Kaunlaran sa Coron … Kamakailan ay mapalad na nakabisita ako sa bayan ng Coron, ang tinaguriang Gateway to Calamian Group of Islands. Ang laki na nang pagbabago simula ng huli kong pagbisita noong 2000.

Isang malaking pagbabago ay ang bagong Busuanga Airport. Naaalala ko pa nung taong 2000 nang ang airport ng Busuanga ay isa lamang maliit na semi-concrete na gusali. Iisa lamang ang commercial plane na may regular weekly flight noon mula Puerto Princesa; 3 beses naman kada linggo mula Manila. Talahiban ang paligid ng airport; ang runway ay hindi sementado.

Those were the days, ika nga. Sa ngayon, ang airport sa Busuanga/Coron ay isa sa pinakamoderno sa rehiyon ng Region IV A at B. Pumapangalawa sa Puerto Princesa Airport Terminal.

Kamakailan ay pinasinayaan ito ng Pangulong Arroyo. Ang Busuanga Airport ay isang commitment ng Pangulo na nabanggit niya sa kanyang 2006 SONA. Ayon sa kanyang talumpati, hindi pa natatapos doon ang pag-a-upgrade ng airport. Inaasahan pa ang pagpapahaba ng runway nito upang maka-accommodate pa ng mas malalaking commercial aircraft.

Sa ngayon, walang kaduda-duda ang epekto ng Busuanga/Coron airport sa tourism development ng kalakhang Busuanga Island. Apat na commercial airlines ang may daily flight dito – PAL Express, Cebu Pacific, Seair, at ang Zest Air (dating Asian Spirit). Kung dati, mga 19-seater aircraft lang ang maaaring lumapag, sa ngayon mas malalaki na ang kapasidad ng mga eroplanong bumibiyahe. Maaari ng bumiyahe doon ang 70-seater aircraft.

Noon nasa 10 flights kada linggo lamang ang frequency ng biyahe sa Busuanga/Coron. Ngayon 28 flights kada linggo na. Dahil dito, tumaas din ang passenger volume mula 300 kada lingo sa 4,200 passengers kada linggo na sa ngayon.

Kasabay ng modernisasyon ng airport, ay ang pag-usbong ng negosyo at kabuhayan kaugnay sa turismo. Marami nang mapagpipiliang accommodations, mga restaurants, mga internet shops, car rentals, at iba pang tourism-related activities. Isang malaking plus sa turismo ng Calamianes ang presensya ng 7107 cruise ship na pag-aari ni Mr. Steve Tajanlangit. Inaasahan ang full operation ng cruise ship na ito sa Disyembre kung saan lalakbayin ng cruise ship ang tinaguriang Tourism Triangle ng Central Philippines – Boracay-Coron-Bohol.

Narurumbo na ng Northern Palawan ang kaunlaran sa turismo. Mas sisigla pa ito kapag nagbukas na ang operasyon ng airport sa bayan ng San Vicente na malapit na ding matapos. Sa Puerto Princesa naman, kasalukuyan ding tina-trabaho ang upgrading ng airport sa international standard . Pangako din ito ng Pangulong Arroyo sa kanyang 2006 SONA.

Things are looking very good indeed for tourism in Palawan.