By M.V. Asuncion

Ebola at Salmonella … Ito ang dalawang balita na lumabas sa pagbubukas ng 2009. Isang virus at bacteria, na nakakabahala para sa kalusugan ng publiko.

Ebola sa Pilipinas? Nakakagulat sapagkat ang ebola virus na alam ko ay yung nabasa ko sa libro na “Outbreak” ni Robin Cook at ginawang pelikula na may kaparehong pamagat. Ang ebola na ito ay yung Zaire ebolavirus at may highest fatality rate o nakamamatay. Sa ngayon, mayroong limang uri ng Ebola virus.

Hindi ito ang ebola na nadiskubre kamakailan sa mga baboy sa Bulacan. Dalawang hog farms ang agad-agad na sinailalim sa quarantine ng Dept. of Agriculture at Dept. of Health. Ang ebola na nasa mga baboy ay Reston Ebolavirus at ayon sa mga health authorities, ito ay non-pathogenic (not capable of causing disease or infection) sa mga tao. Or so they think …

Kamakailan nabalita na merong farm worker ng isang quarantined hog farm na lumabas na positibo sa ebola reston. Maaari diumano na matagal ng nakuha ng farm worker ang virus at naka-develop na ito ng anti-bodies. Ito ang masusing iniimbestigahan sa ngayon ng mga health at agriculture officials.

Tumutulong din ang ilang mga eksperto ng World Health Organization na narito sa bansa sa imbitasyon ng gobierno upang imbestigahan ang pagkakaroon ng ebola reston ng mga baboy.

Ayon kay Dr. Eric Tayag ang Director ng National Epidemiology Center, hindi communicable o nakahahawa ang kaso ng farm worker. Nakatutok ang DA at ang DOH sa kasong ito ng ebola. Pati ang World Health Organization at World Animal Health Organization ay naka-monitor din diumano sa mga pangyayaring ito sa ating bansa.

Naniniwala ako na ligtas ang mga baboy natin dito sa Palawan sapagkat hindi tayo kumukuha ng mga baboy galing sa Luzon.

— 0 —

Katatapos lang ng melamine scare sa mga food products galing China, ngayon naman ay may panibagong food poisoning scare sa peanut butter mula United States of America.

Nitong Enero 17 nagpa-abiso na ang US government officials sa mga consumers nito na iwasan muna ang pagkain ng mga produktong may sangkap na peanut butter o peanut paste partikular ang mga crackers, cookies, cakes, ice cream at iba pa. Ginawa ang announcement pagkaraang may 482 na nagkasakit at 6 na namatay at 43 states na ang apektado. Tinagurian na ngang “outbreak” ng ilan ang kasalukuyan kaganapan sa USA.

Ni-recall na ng maraming apektadong kumpanya ang kanilang mga produkto sa mga supermarkets. Nasa 125 products ang na-recall. Ilan lang sa mga nag-recall ay ang Kellogg’s, Kroger, General Mills, at King’s. Dito naman sa Pilipinas, paglabas pa lang ng balita ay nag-recall na ng mga imported peanut butter products ang malalaking supermarkets. Sa atin dito sa Puerto, mabagal ang response. Noong Linggo ay may nakita pa akong imported peanut butter sa shelf ng malaking supermarket.

Sa akin, sampal itong peanut butter poisoning sa USA. Sino bang mag-aakalang mangyayari sa kanila ang nangyari din sa China? Sila na pinagmamalaki ang strictest food standard at quality control. Sila na unang nagbatikos sa food quality ng mga Chinese at iba pang Asian products nung kainitan ng melamine scare. Hmm, ni-recall din kaya ng USA ang lahat ng peanut butter products nila sa China?

Kaya mga kababayan, mag BUY FILIPINO na tayo.