By M. V. Asuncion

PLASTIC BAN (Part 2) … Sa maraming lunsod at bansa sa ngayon sa buong mundo nakasalang ang mga ordinansa at pagsasabatas sa ban ng plastic shopping  bags.  Mula Australia hanggang United Kingdom,  Africa, Asya at North America, pinag-iisipan ng mga korporasyon at mga politicians and pag-ban sa toxic plastic bags.
Sa Ireland kung saan nagsimula ang plastic bag ban,  bring your own bag sa pamimili sapagkat hindi ka bibigyan ng bag.  Kung walang sariling shopping bag, bibili ka na. Nakasanayan na ng mga taga dun na magbitbit ng sarili nilang bag.
Hindi libre ang plastic shopping bags sa China, New Delhi, Melbourne, Denmark, Netherlands, Hongkong, at Paris.   Bukod sa plastic bag charge,  naiban  sa China ang paggawa ng ultra-thin plastic bags.  Simula ng pinatupad ang plastic bag charge sa mga bansang ito, bumaba ng malaki ang plastic bag usage.  Hinikayat ang paggamit ng paper bags, compostable plastic bags, at reusable bags tulad ng cloth bags.
May isyu hinggil sa paggamit ng paper bags. Sapagkat gawa sa papel, ibig sabihin galing din sa puno.  Marami diumanong puno ang magagamit para matugunan ang pangangailangan upang i-replace ang gamit ng plastic bags.  Sa huli, hindi rin ito makabubuti sa kalikasan.  Bagama’t may ganitong kontensyon, ginagamit pa rin ang paper bag na substitute sa plastic bag.
Kayang-kaya nating ipatupad ang ban ng plastic bag dito sa atin.  Kailangan lamang ng suporta ng lahat ng mamimili at ng mga may-ari ng malalaking tindahan.
Ang pag-ban sa plastic shopping bag ay magbubukas naman ng malaking oportunidad para sa mga gumagawa ng bayong, baskets, cloth bag, at paper bag gawa sa indigenous materials.  Tataas ang demand para sa mga ito kung kaya lilikha ito ng employment at livelihood activities.  Walang ganitong oportunidad sa plastic na binibili lang natin sa Kamaynilaan.  Makatutulong na tayo sa kalikasan, makalilinis pa sa kapaligiran, at makalilikha pa ng kabuhayan.
Totoo, hindi ganun kadali yun. Paano ang mga plastics sa palengke, yung mga ginagamit sa kaliwa’t-kanang mga karinderia, at sari-sari store?  Malawak na masyado ang paggamit ng plastics sa atin.  At, dahil dito, mas lumalaki ang pangangailagan na dapat mayroon na tayong gawin upang ito ay ma-kontrol at malutas ang “wasteful” at “harmful” na paggamit ng plastic.
Ipanumbalik natin ang kagawian ng ating mga magulang, ni Lola… namimili gamit ang iisang sisidlang bayong o basket.  Kaya? Kaya ba nating maging unang “Plastic Bag Free City” sa Pilipinas?  Kaya ba nating ma-iangat ng isang lebel ang pagiging Cleanest & Greenest?  Most importantly, kaya kayang gawing resolusyon ito ng isang Konsehal?  Hmmm…